Tahan Na, Anak! 09-12-09
by , 09-17-2009 at 09:06 AM (903 Views)
Ikaw ang bagong umagang
Naghihintay paglipas ng dilim.
Bumalot
Sa aking buhay
Makalipas ang sampung dantaon.
Hatid mo ay pangako
Ng kaligayahan
Sa puso ko't kaluluwa
Umulan ma't bumagyo,
Ikaw, anak ko
Ang kapiling.
Sa aking pag-iisa,
Kaibigan ko
Ang lumbay at hinagpis
Dulot ng dagok
Ng isang
Sitwasyong akin ding pinahintulot.
Sa aking pag-iyak, anak
Ika'y umiiyak!
Tahan na, mahal ko
Hindi ka nag-iisa.
Kapiling mo ako
Tayong dalawa
Magkasama
Sa hirap ma't ginhawa.
Tandaan mo ito:
Ang iyong ama
Ay mabuti,
Hindi man niya alam
Tindi ng sakit na dulot
Ng kanyang pagkalito,
Isulat mo sa 'yong
Munting puso,
Itatak mo sa iyong isipan...
Ikaw ang kanyang munting anghel,
Alaala ng kahapong nakalipas.
Ng kaligayahang hindi masusukat,
Kaya ka nga nangyari.
Bunga ka ng pag-ibig
Ng aming pag-iisang dibdib.
Matagal kitang hinintay, anak!
Ngayo't narito ka na,
Hindi kita pababayaan.
Muli, matutunghayan mo
Ang ngiti sa aking labi
Sa paglipas ng unos,
Masasamyo ang halimuyak
Ng mga bulaklak.
Makikipaglaro tayo
Sa mga paru-paro
Sa mga tutubi!
Sisikat din ang araw
Malapit na ito.
Humanda ka, mahal ko,
Huwag ka nang umiyak.
Tahan na anak,
Tahan na.









Email Blog Entry

